Abalang-abala

Hindi ko namalayan na 4-5 buwan ko na palang hindi nabibisita ang blog ko na ito. Masyado na kasi akong abala simula ng Abril nang magkaroon ako ng trabaho. Hanggang ngayon, eto at abala pa din ako. Nag-aaral at nagta-trabaho ng sabay. Mahirap siya, sobra! Pero kinakaya pa naman at masaya naman ako sa ginagawa ko.

Sa kasalukuyan, 2 trabaho ko ang nakatakdang matapos ngayong buwan. Ang isa ay nagsimula ng Abril habang ang isa ay noong Hulyo. Nga pala, ang trabaho para sa akin ay yung mga raket ko. Iskolar ako sa Unibersidad at bawal kami magtrabaho sa labas kaya eto, medyo patago. Hehe. Kahit pa matatapos lahat ng raket ko ngayong buwan, may isang bago na sisimulan at kailangang matapos bago ang huling araw ng buwan. 2 linggo lang kasi iyon. Tapos sa Oktubre hanggang sa susunod na tao, tatlong raket na ang nakapila sa listahan ko. Isasabay ko siya sa thesis ko kaya good luck naman sa akin.

Alam kong hindi lahat ay gusto ang ginagawa ko. Pabor ang mga magulang ko na sa isang kompanya ako magtrabaho pagka-graduate ko. Ang dahilan nila – kumpleto daw sa mga benepisyo at permanente pa ang pagkukuhanan ko ng ikabubuhay. Sa akin naman, limitado lang ang pwede kong gawin sa ganoong sitwasyon hindi gaya ngayon na pwede akong tumanggap ng kahit 2-3 trabaho basta’t kaya ko. Oo, mukha akong pera. Gusto kong makaipon agad kaya nilulubos-lubos ko na ang mga trabaho na dumadating sa akin.

Sa sobrang abala ko, wala na ako halos oras sa ibang bagay. Mas nauuna ko pa nga ang trabaho kesa sa pag-aaral ko. May mga pagkakataon din na di ko mapagbigyan ang pamilya ko at mga kaibigan ko na makasama sila ng dahil sa trabaho ko. Gayunpaman, sinusubukan ko pa din naman na maglaan ng oras para sa kanila lalong lalo na sa pamilya ko.

Napakaswerte kong tao, alam ko ‘yun. Hindi lahat ay nabibigyan ng ganito kadaming pagkakataon at biyaya. Kung ang iba’y nagrereklamo dahil sa dami ng ginagawa nila, ako naman ay nagpapasalamat dahil may ginagawa ako – may napagkukunan ako ng ikakabuhay ko. Alam kong hindi naman ito pang-habang panahon. Pwedeng sagana ako sa trabaho ngayon, pwede din namang wala sa mga susunod na panahon. Ang magagawa ko lang siguro ngayon ay magpasalamat at pagbutihin ang mga ginagawa ko.

Posted on September 5, 2010, in Pag-aaral, Personal, Trabaho and tagged , , , , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Leave a comment